Monday, November 25, 2019

PAGTATANGGOL SA WIKANG FILIPINO, TUNGKULIN NG BAWAT LASALYANO Posisyong Papel


PAGTATANGGOL SA WIKANG FILIPINO, TUNGKULIN NG BAWAT LASALYANO
Posisyong Papel
Rodavelle Galvez Neñez

          Ang wikang Filipino ay naging parte na ng ating kultura, sumisimbolo rin ito ng ating pagkakakilanlan bilang mamamayan ng ating bansa. Ang wikang ito ay naging bahagi na ng ating sarili magmula sa ating kapanganakan. Ang pagkakaroon ng sariling wika ay lubos na mahalaga upang mapalawak at mas madagdagan pa ang ating kaalaman ukol sa sariling atin. Mainam rin ang may sariling wika upang mas makilala natin ang kaligiran at mahasa ang kritikal na pag-aanalisa ukol sa iba’t-ibang bagay na hindi pa natin nalalaman. Mahalaga ito sapagkat ito’y naglalayong mapalawak at mapaunlad ang ating sariling kaalaman ukol sa iba’t-ibang bahagi nito.
          Hindi marapat na tanggalin na lamang ng basta-basta ang sariling atin. Matatapon na lamang ba sa wala ang paghihirap ng mga nasa katungkulan noon na matapang na ipinaglaban ang pagkakaroon ng sariling wika? Marapat lang bang magpasakop tayo sa wika ng mga dayuhan at tuluyang kalimutan ang dati nating kinagisnan?
          Sa isinagawang hakbang ng Commission on Higher Education (CHED) sa Memorandum Order (CMO) No. 20, Series of 2013, hindi lamang mga estudyante at guro ang nagprotesta, maraming indibidwal at eskwelahan na rin ang nagpasyang magsama-sama para sa layuning mapanatili ang wikang Filipino. Ang pagtatanggal ng asignaturang Filipino sa kolehiyo ay maaaring makapagdulot ng kalituhan o kakulangan sa kaalaman sa nasabing asignatura. Maaaring magdulot ito ng pagkalimot sa kalinangan at kahalagahan ng asignatura, kung kaya’t ito’y maaaring makaapekto sa pag-aaral ng isang estudyante.
          Ang pagtatanggal ng asignaturang ito ay malimit na tinutulan ng karamihan, sapagkat naipagsasawalang-bahala na lamang ang sarili nating wika o aralin. Marami man ang tutol sa pagtanggal ng asignaturang ito sa mga kolehiyo, ikinatuwa naman ito ng iba. Hindi maikakaila sa karamihan na pabor sila sa ginawang hakbang na ito, sapagkat para sa kanila’y dagdag lamang ito sa kanilang problema. Subalit marapat lang bang iwaksi natin ang unang ibinigkas ng ating pakiwaring labi? Hindi lang kalinangan ng isipan ang mawawala, pati mga gurong naghirap para lang sa wala ang mawawalan ng kinabukasan. Huwag niyo sanang ibaon sa limot ang pangaral ng ating pambansang bayani, marapat lamang na hindi natin kalimutan ito, bagkus ay itayo natin ang sagisag ng ating pagkakakilanlan.







Photo Credit:
  • natalieblog789677154.wordpress.com: https://images.app.goo.gl/QmnXpWW3HMtAZbfN6 


No comments: